PAGMAMAHAL NA WALANG KONDISYON



Pagmamahal na walang kondisyon

Nasaktan ka na ba ng taong mahal mo? Ng taong inaakala mong ni hindi ka sasaktan o di kaya'y hahayaang masaktan? Yung inaakala mong ituturing kang kanilang prinsesa? Masaktan? Masakit diba? Pero nung nasaktan ka, anong ginawa mo? Gumanti ka ba o nanguna sayo ang pagpapatawad? Mahirap magpatawad diba? Lalo na kung ang taong nanakit sayo ay yung taong may malaking parte sa buhay mo. Kung ikaw yung nasaktan o sinaktan, ano paiiralin mo? Ang magalit at gumanti, o magpatawad at tanggapin silang muli?
Minsan kung sino pa ang mga taong malalapit sa atin at ating pinagkakatiwalaan ay sila pa ang magiging dahilan kung bakit tayo masasakatan o di kayay kung bakit tayo nasasaktan. Bakit tayo nasasaktan? Kasi importante sila sa atin.... kasi mahal natin sila. Pero kapag malalim ang sugat ng kanilang ginawa, minsan yung pagmamahal natin sa kanila ay natatabunan na ng galit. Galit na nauuwi sa poot, hanggang sa ikulong natin ang ating mga sarili sa galit na ating nararamdaman. Lahat ng kabutihan na kanilang ginawa ay nawala at napalitan ng sakit at galit ng dahil sa isang pagkakamali. Inaamin ko... oo, naranasan ko na yan. Na pairalin yung galit kesa sa pagpapatawad? Isisi ang lahat sa taong nakasakit sakin? Na makita ko lang siya, kumukulo na dugo ko? Ni hindi ako makatagal sa isang lugar na kasama sya? Naranasan ko na lahat ng yan... sa taong inaakala kong hindi kami sasaktan, yung inaakala kong poproteka at ipagtatanggol kami sa iba. Naranasan at naramdaman ko yan ng dahil sa haligi ng aming tahanan. Hindi lamang ako ang labis na nasaktan ng dahil sa ginawa niya, kundi si mama. Ng dahil sa panganagliwa nya, nakikita kong umiiyak si mama. Ang sakit bilang anak na makita mo yung nanay mo na umiiyak at ikaw na anak niya ay wala kang magawa para pagaanin yung loob ng nanay mo. Nung mga pagkakataong iyon, nainis at nagalit ako kay tatay. Tinatanong ko sarili ko... may mali ba samin? May kulang ba? Mabait naman si mama.... malaaga... masipag... mapagmahal... pero bakit parin yun nagawa ni tatay? Hanggang sa di ko na kinakausap si tatay, hindi ko na siya pinapansin, dumating ang kaarawan niya ng hindi ko siya binabati... kasi nanguna sakin yung galit. Galit na siya mismo ang lumikha. Yung pagmamahal na ipinaramdam nya sakin mula pagkabata ko, yung pag aalaga nya sakin... lahat ng yun nabura at napalitan ng galit. Nawala ang respeto ko sakanya, nawala ang pagmamahal ng isang anak. Pero may isang taong nagturo sa akin kung pano magpatawad, kung pano pairalin ang pagmamahal at magmahal ng totoo. Tinuruan ako ng Panginoon na magmahal... magmahal ng walang kondisyon, na sa kabila ng sakit, sugat at pagkakamali na kanilang nagawa ay makakaya ko silang tanggapin, mapatawad at mahaling muli. Tinuruan ako ng Panginoon na patawarin ang aking ama sa kabila ng kanyang nagawa. Tinanggapn at minahal ko siyang muli bilang aking ama. Sabi nga nila "Kung ang Dios ay nagpapatawad, ako pa kayang tao lamang".
Tunay nga na napakahirap magpatawad at mahalin ang mga taong walang ibang iniwan sa atin ay malalim na sugat at sakit subalit may isang Diyos na nagturo sa akin kung paano magmahal at magpatawad sa mga taong nakakasakit sa akin. Ang sabi sa kanyang aklat,"mahalin mo ang iyong mga kaaway". Isa klase ng pagmamahal na napakahirap gawin at ibigay subalit ito ang pagmamahal na pinakita Niya sa atin. Pagmamahal na handang umunawa at tumanggap sa kakulangan at kamalian. Pagmamahal na handang magpatawad ng sakit,hinanakit at masasamang karanasan na dulot ng iba. Pagmamahal na walang kondisyon o hinihinging kapalit. Pag-ibig na tulad ng pag-ibig ng Diyos.

Comments

Popular posts from this blog

MOM

MOM (again)